May 24, 2013

Tapos na ang Eleksyon - Move On!



Halos ilang araw pa lamang pagkatapos ng local na eleksyon. At di pa nga magkaayos sa ilang picos machine. Di pa rin magkamayaw sa pagsuporta ang mga loyalista sa kani-kanilang pambatong pulitiko sa social media.

Dahil sa kaunti na lang at maidedeklara na ang mga naihalal ng mamamayan sa Laguna, kitang kita na ang mga pangalan ng mga nanalong pulitiko sa Pagsanjan at Santa Cruz. Ako naman sa kasalukuya’y nasumpungang magbasa-basa ng nga updates sa facebook.

Nagulat na lamang ako sa isang malupit na post mula sa isang malapit na kaibigan. Ang aking tahimik at kiyemeng kaibigan noong kolehiyo ay lantarang ipinahahayag ang kanyang pagkadismaya sa resulta ng eleksyong pam-probinsya.

Ang pag-like ni ang pagkomento ay maka-sampu ko yatang pinagnilay-nilayan. Hindi dahil nadiskubre kong magkaiba ang aming piniling iboto kundi dahil gusto kong iginagalang ang kanyang kalayaang ipahayag ang opinion sa publiko.

Di man ako sang-ayon sa paraan at pahayag, ito ang tanong ko –
                       
Pagkatapos ng eleksyon, bakit may mga di makatanggap ng pagkatalo ng kanilang pulitiko?


Sa aking palagay, ang pagsuporta sa panahon ng pangangampanya ay sapat na upang ipagbigay alam sa publiko ang kakayanan ng kanilang pulitiko na pamahalaan ang Laguna o Santa Cruz o Pagsanjan.

At kung sa pagkakataon na nabigong maluklok ang kanilang pambato, di bat nararapat lamang na maginoong tanggapin ang pagkatalo?

Kung ang mga sawing pulitiko nga ay marunong makipagkamay at ngumiti kahit peke sa kanilang pinalad na katunggali , ang mga tagasuporta ri’y nararapat kakitaan ng kagandahang asal. Masama man ang loob, nawa’y huminahon at pag-isipan ang susunod na mga gawa. Sapagkat magngangangawa ka man sa social media, wala nang silbi sapagkat matagal nang tapos ang karera!

Ako man sa aming bayan, di rin naluklok ang aking pulitiko sa pwesto. Gayunman mataman akong magbabantay sa pagpapatupad niya ng kayang mimemorya – este inilatag na plataporma. At taimtim kong ipagdarasal ang mabuti niyang pamamalakad.

Ito’y sariling opinion sa aking nakikita lamang. Kung sa palagay man ng iba na may nadaya o minanipula, naniniwala akong sa Santa Cruz at Pagsanjan, Laguna – ang tanging nananaig ay ang sama-samang boses ng masa!

Tapos na ang botohan. Panahon naman ng pagkakaisa, pagkilos at pakikipagtulungan sa mga bagong halal ng bayan.

Tapos na po ang eleksyon – move on!   

No comments:

Post a Comment